Magandang Balita Biblia Revisi

Santiago 1:5-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.

6. Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan.

7. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong

8. pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.

9. Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos,

10. at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo.

11. Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.

12. Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya.

13. Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino.

14. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa.

15. Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito'y hahantong sa kamatayan.

16. Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal.

17. Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago.

18. Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.

19. Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit.

20. Dahil ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao'y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.