Magandang Balita Biblia Revisi

Santiago 1:22-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.

23. Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin,

24. at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura.

25. Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot.

26. Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso.

27. Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.