Magandang Balita Biblia Revisi

Mikas 4:8-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. At tungkol naman sa iyo, burol ng Zion, kung saan binabantayan ng Diyos ang kanyang bayan gaya ng isang pastol, ikaw ay muling magiging sentro ng kaharian katulad noon.

9. Bakit ka dumaraing nang malakas? Wala na bang haring mangunguna sa iyo? Namatay na ba ang tagapayo mo, kaya't namimilipit ka sa sakit tulad ng isang babaing malapit nang manganak?

10. Mamilipit kayo't dumaing dahil sa matinding sakit, mga taga-Jerusalem, sapagkat aalis kayo sa lunsod at maninirahan sa kabukiran. Itatapon kayo sa Babilonia ngunit kukunin muli roon; ililigtas kayo ni Yahweh mula sa kamay ng inyong mga kaaway.

11. Maraming bansa ang nag-aabang upang salakayin ka. Sinabi nila, “Wasakin natin ang Zion. Panoorin natin ang kanyang pagkawasak.”

12. Ngunit hindi nila alam ang iniisip ni Yahweh, hindi nila nauunawaan ang kanyang layunin. Sila'y kanya lamang tinitipon upang parusahan, gaya ng ginapas na trigo, upang dalhin sa giikan.

13. Mga taga-Jerusalem, humanda kayo at parusahan ninyo ang inyong mga kaaway. Gagawin ko kayong kasinlakas ng isang toro na ang sungay ay bakal, at tanso naman ang mga paa. Dudurugin ninyo ang maraming bansa, ang mga kayamanang nasamsam ninyo ay ihahandog ninyo sa akin na Panginoon ng buong mundo.