Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Taga-Galacia 5:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

2. Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabale-wala ninyo si Cristo.

3. Inuulit ko, ang lahat ng taong nagpatuli ay kailangang sumunod sa buong Kautusan.

4. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at tinanggihan ninyo ang kagandahang-loob ng Diyos,

5. ngunit kami'y umaasa na kami'y magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.

6. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang nakikita sa mga gawaing udyok ng pag-ibig.

7. Mabuti na sana ang inyong ginagawa. Sino ang pumigil sa inyong pagsunod sa katotohanan?

8. Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo.

9. Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.”

10. Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.