Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Taga-Galacia 4:3-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Gayundin naman, noong hindi pa tayo nananalig kay Cristo, tayo'y nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito.

4. Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan

5. upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos.

6. At upang patunayan na kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, at nang sa gayon ay makatawag tayo sa Diyos ng “Ama, Ama ko!”

7. Hindi na kayo alipin kundi anak, at dahil kayo ay anak, kayo ay ginawa rin ng Diyos bilang mga tagapagmana niya.

8. Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan,

9. ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon?

10. May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon!

11. Nag-aalala akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.

12. Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako. Hindi na ako saklaw ng Kautusan, tulad ninyo noon. Wala kayong nagawang masama laban sa akin.