Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Taga-Galacia 4:16-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?

17. Nagpapakita nga sa inyo ng malasakit ang mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sa kanila kayo mapalapit.

18. Hindi masama ang magmalasakit, kung palaging mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako!

19. Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap kayong mahubog kay Cristo.

20. Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat talagang nag-aalala ako tungkol sa inyo.

21. Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo napapakinggan ang sinasabi sa Kautusan?

22. Sinasabi roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa alipin at isa sa malaya.

23. Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan, ngunit ang anak niya sa malaya ay katuparan ng pangako ng Diyos.

24. Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin.

25. Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan.