Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Taga-Galacia 2:16-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami rin ay sumasampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y hindi pinapawalang-sala dahil sa pagsunod sa Kautusan.

17. Ngunit kung kaming nagsisikap na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuang makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi!

18. Ngunit kung itatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako.

19. Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus.

20. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.

21. Hindi ko maaaring tanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!