Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 7:1-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Aking anak, salita ko sana ay ingatan,itanim sa isip at huwag kalimutan.

2. Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.

3. Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,at sikapin mong matanim sa iyong isipan.

4. Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.

5. Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.

6. Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,

7. ang aking nakita'y maraming kabataan,ngunit may napansin akong isang mangmang.

8. Naglalakad siya sa may panulukan,ang tinutungo'y sa babaing tahanan.

9. Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.

10. Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.

11. Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.

12. Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.

13. Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:

14. “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.

15. Ako ay narito upang ika'y salubungin,mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.

16. Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.