Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 4:14-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.

15. Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.

16. Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.

17. Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.

18. Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.

19. Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.

20. Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.

21. Huwag itong babayaang mawala sa paningin,sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.

22. Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.

23. Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.

24. Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.

25. Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.

26. Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran,sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.

27. Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.