Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 3:8-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.

9. Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.

10. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.

11. Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,

12. pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.

13. Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.

14. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,at higit sa gintong lantay ang tubo nito.

15. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,at walang kayamanang dito ay maipapantay.

16. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.

17. Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.

18. Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.

19. Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.

20. Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.

21. Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.

22. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.

23. At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,sa landas mo'y hindi ka matatalisod.

24. Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.

25. Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.