Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 25:9-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala.

10. Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.

11. Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.

12. Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.

13. Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.

14. Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.

15. Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.

16. Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang.

17. Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.

18. Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.

19. Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.

20. Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.

21. Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw.