Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 25:2-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.

3. Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.

4. Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday.

5. Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.

6. Huwag kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili.

7. Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.

8. Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.

9. Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala.

10. Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.

11. Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.