Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 24:5-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan.

6. Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.

7. Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan.

8. Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan.

9. Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.

10. Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.

11. Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan.

12. Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.

13. Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa,

14. ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.

15. Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan,

16. sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.

17. Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan.

18. Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.

19. Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa.

20. Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.

21. Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila

22. sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?