Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 24:14-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.

15. Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan,

16. sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.

17. Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan.

18. Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.

19. Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa.

20. Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.

21. Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila

22. sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?

23. Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan:Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan.

24. Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan.

25. Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.

26. Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.

27. Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.

28. Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya.

29. Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”