Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 23:21-35 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.

22. Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.

23. Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.

24. Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.

25. Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.

26. Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.

27. Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon.

28. Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.

29. Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan?

30. Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin.

31. Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam,

32. sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag.

33. Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti.

34. Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad

35. at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”