Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 21:5-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.

6. Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaanay maghahatid sa maagang kamatayan.

7. Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.

8. Ang landas ng may sala ay paliku-liko,ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.

9. Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahaykaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.

10. Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,kahit na kanino'y walang pakundangan.

11. Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.

12. Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.

13. Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,daraing din balang araw ngunit walang lilingap.

14. Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.

15. Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.

16. Ang lumilihis sa daan ng kaalamanay hahantong sa kamatayan.

17. Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,bagkus sa hirap siya'y masasadlak.