Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 16:19-33 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. Higit na mabuti ang mapagpakumbabá kahit na mahirap,kaysa makihati sa yaman ng mapagmataas.

20. Ang sumusunod sa payo ay mananagana,at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.

21. Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.

22. Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino,ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao.

23. Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.

24. Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan,matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.

25. May daang matuwid sa tingin ng tao,ngunit kamatayan ang dulo nito.

26. Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap;upang ang gutom ay bigyan ng lunas.

27. Ang laman ng isip ng tampalasan ay puro kasamaan,ang kanyang mga labi ay parang nakakapasong apoy.

28. Ang taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan,at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.

29. Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa,at ibinubuyo sa landas na masama.

30. Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat;pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak.

31. Ang mga uban ay putong ng karangalan,ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay.

32. Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan,at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.

33. Isinasagawa ng tao ang palabunutan,ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan.