Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 14:4-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Kung saan walang baka, ang kamalig ay walang laman,datapwat sa maraming baka, sagana ang anihan.

5. Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling,ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling.

6. Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto,ngunit madaling maturuan ang taong may talino.

7. Iwasan mong makisama sa mga taong mangmang,pagkat sa kanila ay wala kang mapupulot na kaalaman.

8. Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa,ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa.

9. Kinukutya ng mga hangal ang handog na pambayad sa kasalanan,ngunit nalalasap ng matuwid ang mabuting kalooban.

10. Walang makikihati sa kabiguan ng tao,gayon din naman sa ligayang nadarama nito.

11. Ang bahay ng masama ay sadyang mawawasak,ngunit ang tolda ng matuwid ay hindi babagsak.

12. May daang matuwid sa tingin ng tao,ngunit kamatayan ang dulo nito.

13. Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan,ngunit ang kaligayaha'y maaaring magwakas sa panambitan.

14. Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay,ngunit ang gawa ng matuwid ay gagantimpalaan.

15. Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.

16. Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.

17. Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat.