Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 13:6-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang katuwiran,ngunit ang masama'y ipinapahamak ng likong pamumuhay.

7. May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman,ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman.

8. Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay,ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala.

9. Ang matuwid ay tulad ng maningning na ilaw,ngunit ang masama ay lamparang namamatay.

10. Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan,ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.

11. Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala,ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.

12. Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban,ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.

13. Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan,ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan.

14. Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay,ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan.

15. Ang katalinuhan ay umaani ng paggalang,ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan.

16. Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa,sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa.