Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Kawikaan 10:5-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.

6. Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.

7. Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.

8. Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.

9. Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.

10. Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan.

11. Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan.

12. Sari-saring kaguluhan ang bunga ng kapootan,ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.

13. Sa labi ng may unawa matatagpuan ang karunungan,ngunit sa likod ng isang mangmang, pamalo ang kailangan.

14. Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan,ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan.

15. Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan,ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.

16. Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay,ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan.

17. Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay,ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.