Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 9:4-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan.

5. At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit ito'y hindi na namin ipapaliwanag nang isa-isa ngayon.

6. Ganoon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sinasambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin.

7. Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman.

8. Sa ganoong pagkaayos, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda.

9. Simbolo lamang ang mga iyon at ang kahulugan nito ay ang kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nagpapabanal sa mga sumasamba roon.