Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 9:20-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinapatupad sa inyo.”

21. Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba.

22. Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung hindi sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo.

23. Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit.

24. Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25. Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili.

26. Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay.

27. Itinakda sa mga tao na sila'y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.

28. Gayundin naman, si Cristo'y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.