Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 9:12-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman.

13. Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan,

14. higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isipan sa mga gawaing walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

15. Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

16. Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon,

17. sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na.

18. Maging ang naunang kasunduan ay hindi pinagtibay kung hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop na inihandog.

19. Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kinuha niya ang dugo ng mga baka at ng mga kambing at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao.

20. Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinapatupad sa inyo.”