Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 7:15-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

16. Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan.

17. Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

18. Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa.

19. Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

20. Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba,

21. ngunit nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,“Ang Panginoon ay sumumpa,at hindi siya magbabago ng isip,‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”

22. Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

23. Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan.