Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 7:10-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.

11. Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Kung ang pagiging-ganap ay nakamtan sa pamamagitan ng mga paring mula sa angkan ni Levi, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pari, ayon sa pagkapari ni Melquisedec, na iba sa pagkapari ni Aaron.

12. Kapag binago ang pagkapari, kailangan ding baguhin ang kautusan.

13. Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito. Kabilang siya sa ibang angkan at wala isa man sa angkan niya ang naglingkod bilang pari.

14. Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda, at hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga pari.

15. Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

16. Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan.

17. Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

18. Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa.