Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 7:1-7 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Si Melquisedec ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Panginoon.”

2. Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”.

3. Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.

4. Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan.

5. Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay binigyan ng karapatang kunin ang ikasampung bahagi ng pag-aari ng mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham.

6. Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos.

7. Nalalaman ng lahat na ang nagbibigay ng pagpapala ay higit na dakila kaysa pinagpapala.