Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 6:1-6 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos,

2. tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan.

3. Magpatuloy na tayo; at iyan ang gagawin namin kung loloobin ng Diyos.

4. Sapagkat paano pang magsisisi at manunumbalik ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo.

5. Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating.

6. Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat, hindi na sila maaari pang maakay sa pagsisisi at mapanumbalik sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.