Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 13:2-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. Palaging maging bukás ang inyong pinto sa mga taga-ibang bayan. Lingid sa kanilang kaalaman, may ilang nakapagpatuloy na ng mga anghel.

3. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.

4. Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.

5. Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”

6. Kaya't buong tapang nating masasabi,“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,hindi ako matatakot.Ano ang magagawa sa akin ng tao?”

7. Alalahanin ninyo ang mga dating namumuno sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

8. Si Jesu-Cristo ay hindi magbabago kailanman; siya ay kahapon, ngayon, at bukas.

9. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod sa mga utos na iyan ay wala namang natamong pakinabang.

10. Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambana na ito.

11. Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan.

12. Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng bayan upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo.

13. Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng bayan at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis.

14. Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na bayan natin, at ang hinahanap natin ay ang bayang darating.