Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 13:17-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.

18. Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon.

19. Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.

20. Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan na siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo ang nagpatibay sa walang hanggang tipan.

21. Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.

22. Mga kapatid, hinihiling ko na pakinggan ninyong mabuti ang mga sinasabi ko sapagkat maikli lang naman ang sulat na ito.

23. Nais ko ring malaman ninyo na nakalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.

24. Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng kapatid. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.

25. Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Diyos.