Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 12:8-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas.

9. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu?

10. Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya.

11. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.

12. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod.

13. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling.

14. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.

15. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba.

16. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay.

17. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.

18. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin.

19. Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila,