Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 12:1-7 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan.

2. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.

3. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob.

4. Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan.

5. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?“Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon,at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya.

6. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”

7. Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama?