Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 11:9-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap din naman ng pangakong katulad niyon.

10. Sapagkat matapat na hinihintay ni Abraham ang isang lunsod na Diyos mismo ang nagplano at nagtatag.

11. Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.

12. Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.

13. Silang lahat ay namatay na may pananampalataya sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa.

14. Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan.

15. Kung ang mahal nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon.

16. Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na higit na mabuti, ang lunsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lunsod.

17. Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos

18. na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya.

19. Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinhagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

20. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.