Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 11:27-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

27. Ang pananampalataya din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos.

28. Dahil din sa pananampalataya na iyan, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.

29. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

30. Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita sa Diyos, gumuho ang pader ng Jerico matapos nilang ligirin ito nang pitong araw.

31. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Rahab, ang babaing may maruming pamumuhay, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw pasakop sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

32. Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta.

33. Dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, nagwagi sila laban sa mga kaharian, namuhay sila nang matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon,

34. napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa tiyak na kamatayan. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan.

35. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay matapos ang mga ito'y buhaying muli.May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay.

36. Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ibinilanggong nakakadena.

37. Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan.

38. Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

39. At dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Bagama't sila'y pinarangalan sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nila natanggap ang ipinangako,

40. sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.