Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Hebreo 10:11-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at naghahandog ng ganoon ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan.

12. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos.

13. Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway.

14. Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos.

15. Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,

16. “Ganito ang gagawin kong kasunduan sa kanilapagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”

17. Pagkatapos ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.”

18. Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.

19. Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus.

20. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan.

21. Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos.

22. Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan.

23. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan.

24. Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti.

25. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon.