Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 8:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban.Nang araw na iyon, nagsimula ang mahigpit na pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria.

2. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

3. Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae.

4. Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita.

5. Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo.

6. Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi.

7. Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling

8. kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.

9. Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan,

10. at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila.

11. Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila.

12. Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki't babae.

13. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.

14. Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan.