Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 5:33-42 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

33. Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol.

34. Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol,

35. at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito.

36. Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan.

37. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay din ang mga tagasunod niya.

38. Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho.

39. Ngunit kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel.

40. Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya.

41. Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus.

42. At araw-araw, nagpupunta sila sa Templo at sa mga bahay-bahay upang magturo at mangaral tungkol kay Jesus, ang Cristo.