Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 5:19-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

19. Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila,

20. “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”

21. Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol,

22. ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Sanedrin at nag-ulat,

23. “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!”

24. Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25. Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

26. Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka sila pagbabatuhin ng mga tao.

27. Iniharap nila sa Sanedrin ang mga apostol at siniyasat sila ng pinakapunong pari.

28. Sinabi niya, “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng Jesus na iyan? Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!”

29. Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao.

30. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipapako sa krus.

31. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran.