Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 5:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae.

2. Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan.

3. Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa?

4. Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”

5. Nang marinig ito ni Ananias, siya'y patay na bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot.

6. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.

7. Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari.

8. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”“Oo, iyan lamang,” sagot ng babae.

9. Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!”

10. Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa.

11. Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

12. Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao.Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya,

13. ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila.

14. Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon.