Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 3:4-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!”

5. Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan.

6. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit may iba akong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.”

7. Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki;

8. palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templong kasama nila habang naglalakad, at lumulundag na nagpupuri sa Diyos.

9. Nakita ito ng lahat,

10. at nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.