Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 26:24-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

24. Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa kaaaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”

25. Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Malinaw ang isip ko at ang sinasabi ko'y pawang katotohanan.

26. Naririto ang Haring Agripa. Malakas ang loob kong magsalita sa harap niya sapagkat alam niya ang lahat ng ito. Tiyak na walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito.

27. Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”

28. Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa loob ng ganito kaikling panahon ay ibig mo yata na maging Cristiano ako!”

29. Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”

30. Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila.

31. Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.”

32. At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”