Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 26:12-13-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12-13. “Mahal na haring Agripa, iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama.

14. Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Ikaw na rin ang masasaktan sa ginagawa mong iyan. Para kang sumisipa sa talim.’

15. At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.

16. Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang ikaw ay isugo, upang magpatotoo tungkol sa nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo.

17. Ililigtas kita mula sa mga kababayan mo at sa mga Hentil na pupuntahan mo sa pangalan ko.

18. Isusugo kita sa mga taong iyon upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila'y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos.’

19. “Dahil dito, Haring Agripa, hindi ko po sinuway ang pangitaing mula sa langit.

20. Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa.

21. Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at nais nila akong patayin.

22. Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises,

23. na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”

24. Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa kaaaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”

25. Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Malinaw ang isip ko at ang sinasabi ko'y pawang katotohanan.

26. Naririto ang Haring Agripa. Malakas ang loob kong magsalita sa harap niya sapagkat alam niya ang lahat ng ito. Tiyak na walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito.

27. Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”