Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 26:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita; ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”Nagbigay-galang si Pablo at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili.

2. “Haring Agripa, itinuturing ko pong isang malaking kapalaran na marinig ninyo ang pagtatanggol ko sa aking sarili laban sa mga paratang ng mga Judio

3. sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.

4. “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem.

5. Matagal na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo.

6. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno.

7. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio!

8. Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?