Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 20:8-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin.

9. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. At nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin.

10. Nanaog din si Pablo at niyakap siya, “Huwag kayong magkagulo, buháy siya!”

11. Muling pumanhik si Pablo, at nagpira-piraso ng tinapay. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa pangangaral sa kanila hanggang mag-uumaga, saka umalis.

12. Ang binata naman ay buháy na inihatid sa kanyang bahay, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.

13. Sumakay kami sa barkong papuntang Ason. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat sasakyang panlupa ang kanyang gagamitin papunta roon.

14. Nang magkita kami sa Ason, sumakay siya sa sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene.

15. Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto.

16. Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia, sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.

17. Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng iglesya sa Efeso.