Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 2:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes.

2. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila.

3. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila,

4. at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

5. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo.

6. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig.

7. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat?

8. Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika?

9. Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia.

10. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio.

11. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?”

12. Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”

13. Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”

14. Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko.