Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Gawa 16:16-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Siya'y nakakapanghula dahil sinasapian siya ng masamang espiritu. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula.

17. Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18. Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.

19. Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan.

20. Iniharap sila sa mga pinuno ng lunsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lunsod ang mga Judiong ito.

21. Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.”

22. Sinunggaban sila ng mga tao, pinahubaran ng mga pinuno at ipinahagupit.

23. Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti.