Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 8:9-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel.

10. Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita.

11. Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin.

12. Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13. “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya.

14. Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin.

15. Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.

16. Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel.

17. Ang mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop.

18. Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel,

19. upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20. Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh.

21. Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan.