Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 29:6-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.

7. “Sa ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon.

8. Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan.

9. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki

10. at kalahating salop naman para sa bawat tupa.

11. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.

12. “Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh.

13. Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labing-tatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.