Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 29:29-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

29. “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

30. Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.

31. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

32. “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

33. Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.

34. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

35. “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho.

36. Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

37. Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.

38. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

39. “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.”

40. Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh.