Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 29:11-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.

12. “Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh.

13. Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labing-tatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

14. Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa

15. at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin.

16. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog.

17. “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

18. Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.

19. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.

20. “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.

21. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.