Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 22:18-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos.

19. Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”

20. Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”

21. Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac,

22. kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam.

23. Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan.

24. Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader.

25. Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam.

26. Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno.

27. Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno.

28. Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”

29. Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”